Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati.
2 Pedro 2:20
Nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan. Ang kumikilala kay Jesu-Cristo ay mga taong kumikilala sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Siya ay nagsimula nang sumunod sa Panginoong Jesus at tinatanggap ang ginawang pagtubos sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Mula sa araw na tayo ay nakakilala sa Panginoong Jesu-Cristo, tayo ay nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan. Kay Pedro, nakatakas, para kay Pablo, tayo ay malaya na sa kasalanan (Galacia 5). Ang kasamaan na umaalipin sa tao at dahilan ng parusang dulot ng kawalan ng pagkilala sa Diyos ay wala na sa buhay natin.
Kung paaanong si Noe at ang kanyang pamilya ay nakaligtas sa malaking baha (t. 5), tayo ay nakatakas sa malaking baha ng kasamaan ng sanlibutan. Kung paanong si Lot ay nakaligtas sa pagtupok ng Sodoma at Gomora (t. 6), tayo naman ay nakatakas sa parusang dulot ng kasamaan ng sanlibutan. Hindi na tayo alipin ng kasamaan. Lalong hindi na tayo bilanggo nito. Malaya na tayo. Nakatakas na tayo. Hinubad na natin ang dating pagkatao at nagbihis na tayo ng bagong pagkatao (Colosas 3:9-10).
Maaaring muling maakit sa dating masamang gawain. Ang isang taong kumikilala sa Panginoong Jesus ay nakatakas na sa kasamaan subalit maaari pa rin siyang maakit nito. Sinasabi ng Apostol Pedro sa mga mambabasa niya na kahit sila ay malaya na at nakatakas na sa kasamaan, may posibilidad pa rin sila ay maakit sa pagkakasala. Iyon ang realidad! Hindi tayo naging "sin-proof." Nakatakas tayo pero sa ating paglalakbay, ang diyablo na ating kaaway ay laging parang leong umuungal at nag-aabang kung kailan tayo malalapa (1 Pedro 5:8). Ang mga taong walang pagkilala sa Panginoon ay nasa panig na niya. Ang mga taong nagpapahayag ng pananampalataya sa Panginoong Jesus ang kanyang puntirya.
Dahil dito, marapat lamang na tayo ay maging mapagbantay sa kabila ng kabila na tayo ay nakatakas na sa gawa ng masama. Kinilala na natin si Jesus bilang Panginoon, pagsikapan natin ang tapat na pagsunod sa Kanya. Lumago tayo sa pananampalataya sa bawat sandaling pakikipag-ugnay natin sa Kanya. Nang sa gayon, hindi mabigyan ng pagkakataon ang umuungal na leon na tayo ay tuksuhin. Kilalanin pa nating lubos ang ating Tagapagligtas. Maging matibay sa atin ang Kanyang ginawang pagliligtas doon sa krus ng kalbaryo.
PastorJLo
No comments:
Post a Comment