Search This Blog

Sunday, June 29, 2014

TINAWAG UPANG MAGPAHAYAG (Called to Preach)

"Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan." Jonas 1:2

ANG GAWAIN NG MISYON. Marami ang nagsasabi na ang iglesiang hindi nagmimisyon ay patungo sa kaniyang libingan. Matatagpuan na lang itong naghihingalo, kung hindi pa man ito namamatay. Napakahalagang gawain ng iglesia o ng isang mananampalataya ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa mga tao. Tulad ni Jonas, ang bawat Cristiano ay tinatawag sa gawain ng pamamahayag.

TINAWAG UPANG MAGPAHAYAG. Iba-iba ang talento ng bawat Cristiano. Magkakaiba ang tawag sa ministeryo. Subalit nagkakaisa ang lahat sa tawag ng pagbabahagi ng Ebanghelyo hanggang sa dulo ng sanlibutan. Maaaring kaagad sumunod o kaya’y magpabukas pa. Maaari din namang sumuway. Babala lamang na ang hindi pagsunod sa Diyos ay dahilan ng pagkabinbin ng mga pagpapala na dapat ay nasa sa atin na noon pa.

MAGPAHAYAG, DIYOS ANG MAGLILIGTAS. Noong bago ako sa pananampalataya, aaminin kong hindi naging mahirap para sa akin ang tawag sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Mainit kong tinanggap ang pagbahagi ng Salita ng Diyos sa taong wala pang pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo. Di ko tiyak kung tatanggapin nila ang dala kong mensahe.   Ang pamamahayag ay tawag ng Diyos na dapat kong gampanan sa abot ng aking makakaya. Sumampalataya o hindi, tulad ng mga taga-Nineveh, ibabahagi ko ang kaligtasang tinanggap ko mula sa Diyos.

Pastor Jhun Lopez


Tuesday, June 24, 2014

SAMA-SAMANG PANANALANGIN

Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila,
"Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."
Lucas 22:40

SA LUMANG TIPAN. Ang buhay panalangin ng mga ama sa pananampalataya ay napakapersonal mula pa kay Abraham, Isaac at Jacob. Kinailangan pang umakyat ni Moises sa Bundok Sinai para lamang katagpuin ang Diyos. Sa panahon ni Josue, maliban sa kanyang personal na panalangin, kasama niya ang buong bayan sa pagsangguni sa Diyos. Idinaan naman ni David ang pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng mga awit.

SA BAGONG TIPAN. Ang Panginoong Jesus ay naghayag ng kahalagahan ng pananalangin. Itinuro Niya kung paano ito isasagawa. Ipinakita Niya ang aktuwal na pagsasagawa nito. At nang Siya’y umakyat sa kanan ng Ama, ang palagiang pagsasama-sama ng Unang Iglesia para manalangin ay kitang-kita sa kanilang mga pagtitipon.

SAMA-SAMANG PANALANGIN. Sa panahon natin, isa sa nais nating mapagbuti ay ang buhay panalangin ng mga mananampalataya. Magiging higit ang lakas ng isang Iglesia kung ang karamihan sa mga kaanib, hindi man lahat, ay lumalago sa buhay pananalangin. Isang Iglesiang mapanalanginin. Simulan natin ito sa pagdako ng bawat isa sa silid ng pananalangin at sa pagdalo’t pakikiisa sa mga Prayer Meetings.


Pastor Jhun Lopez

Friday, June 20, 2014

KAILANGAN NGA BANG MAGPRAY?

Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila,
"Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso."
Lucas 22:40

HUMINGI UPANG TUMANGGAP. Una marahil sa layunin ng pananalangin ang paghingi.  Katulad ng ating natutuhan sa nakaraang sermon, ang  panalangin ay paghingi sa Diyos; kakanin sa araw-araw, kapatawaran ng kasalanan, at proteksyon sa gawa ng masama. Dapat lang na sa bawat sandali ay hinihingi ang mga bagay na ito sa Panginoon.

MAGING GAWI ANG PANALANGIN. Nagiging gawi ang isang bagay kung palagiang giinagawa. Ang panalangin ay hindi mahirap gawin kung ito ay magiging kasanayan. Ang Panginoong Jesus ay nagpakita ng halimbawa, ang pagpunta sa Bundok ng Olibo para manalangin ay kanyang nakagawian (Lucas 22:39). Magiging positibo ang pagtingin sa panalangin kung ito ay nakagawian na. Hindi na itatanong, “Kailangan nga bang manalangin?”

MANALANGIN UPANG DI MADAIG NG TUKSO. Aminin nating napakaraming tukso sa kapaligiran. Sa loob ng tahanan, sa labas ng kalsada, sa pinapasukang opisina, sa paaralan at palaruan, at sa iba pang mga lugar. Ang tukso ay nandyan lang sa tabi-tabi, nakaabang kung kalian tayo malilingat at masisilo sa gawa ng kasamaan. Bakit ako mananaangin? Mananalangin ako upang hindi ako madaig ng tukso! Manalangin tayo.

Pastor Jhun Lopez

Thursday, June 19, 2014

PAANO AKO MANANALANGIN?

Ganito kayo mananalangin, 'Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
Mateo 6:9

GANITO KAYO MANANALANGIN. Marahil ang panalangin ay isa sa mga salitang madaling sabihin subalit mahirap gawin. Likas sa isang tao ang tumawag sa higit na nakataaas sa kanya lalong na kung dumarating ang panganib o sakuna. Agad-agad ay nasasambit ang salitang “Diyos ko po!” Sa kabila nito, malinaw ang turo ng Panginoong Jesus na may paraan sa tamang pananalangin. Ganito… hindi ganoon!

AMA NAMING NASA LANGIT. Ang panalangin ay pakikipag-ugnay sa Diyos. Pakikipag-usap sa isang kakilala at may matibay na kaugnayan. Ang pagtawag na “Ama” ay patunay na mahalaga ang relasyon ng tao sa Diyos pagdatin sa panalangin. Gayundin mahalagang kilala natin ang Diyos na dinadalanginan — ang Diyos na “nasa langit.”

SAMBAHIN NAWA ANG IYONG PANGALAN. Ang panalangin ay pagsamba. Isang kalagayan ng pagdakila, pagluwalhati, pagpaparangal, at mataas na paggalang sa kausap. Marahil ito’y personal na pakikipag-usap sa Diyos ngunit hindi ito dahilan upang pumustura tayo sa harap ng Diyos katulad ng pakikipag-usap sa isang kaibigan o kabarkada. Tayo’y dapat manalangin na ang laman ng puso ay pagsamba sa Dakilang Diyos.

Pastor Jhun Lopez

Tuesday, June 17, 2014

SI JESUS ANG PAG-ASA

“...si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos.”
Colosas 1:27
SI CRISTO NA NASA INYO. Ang buhay ay punung-puno ng mga pagsubok. May mga umuuwing matagumpay. Subalit marami ang sumusuko at nagiging talunan. Kung hindi man tinapos ang buhay, ang pag-asa sa bukas ay nawala na.  Ngunit kung tinanggap na natin ang si Jesus sa ating mga buhay, kailanman ay hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Natitiyak mo ba ngayon na nasa iyo ang Panginoong Jesu-Cristo?
SIYA ANG ATING PAG-ASA. Ang pag-asa ay kapahayagan ng pananampalataya. Hindi natin ito nakikita sa ngayon, subalit naniniwala tayong magaganap ang ating inaasahan. Sa totoo, hindi natin alam ang magaganap sa kinabukasan. Umaaasa lamang tayo, ayon sa mga pangako ng Salita ng Panginoong Jesus, na ang lahat ng ito ay mangyayari. Natitiyak mo ba na ang iyong pag-asa ay nasa Panginoong Jesu-Cristo?
TAYO’Y MAKAKABAHAGI SA KALUWALHATIAN NG DIYOS. Ang kaluwalhatian ay sa Diyos. Sa biyaya Niya, ang kaluwalhatiang ito ay ibinabahagi Niya sa bawat mananampalataya. Sa ngayon, ang kalagayang ito ay nagaganap sa pagpapabanal ng Diyos sa ating mga buhay. Hanggang makaabot tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. Isang buhay na ganap sa piling ng Diyos. Natitiyak ba ng iyong puso na kabilang ka sa mga makakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos?

Pastor Jhun Lopez


Saturday, June 14, 2014

MENSAHE PARA SA MGA TATAY

Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo,
at baka siya matisod.
1 Corinto 10:12
MAG-INGAT. Nais kong batiin ang lahat ng mga tatay sa pamamagitan ng salitang ito. Marahil, kung mayroon mang inaasahang maging matatag sa loob ng isang tahanan, iyon ay si Tatay! Kaya mag-ingat sapagkat kung mayroon din namang nais maibagsak ang masama sa isa sa mga kaanib ng pamilya, si Tatay iyon! Kaya ingat, Tatay!
SINUMANG NAG-AAKALANG NAKATAYO. Si Apostol Pablo ay nanggagaling sa karanasan ng bayang Israel sa panahon ni Moises. Kumain sila ng pagkaing espirituwal, uminom sila sa batong espirituwal, ngunit marami sa kanila ang hindi kinalugdan ng Diyos (t.1-5). Nakatayo sila. Nakataas ang noo kung maglakad dahil nalalaman nilang sumasakanila ang presensiya ng Diyos. Ngunit sila'y animo mga katitisuran sapagkat ang buhay nila’y hindi naging katanggap-tanggap sa Diyos (Basahin ang mga talatang 6-11).
NAKATAYO BAKA MATISOD. Hindi maikakaila na maraming tukso sa kapaligiran, lalo na para kay Tatay! Ang pagsubok sa pamilya ay unang tumatama sa pinuno ng tahanan. Kung mapabagsak ang "haligi," madali nang pabagsakin ang tahanan. Maaaring matatag na nakatayo ang isang Tatay subalit ang babala’y nagpapahiwatig na kahit anong tatag ng isang Tatay o isang Cristiano, siya ay hindi ligtas sa kakayahang magbagsak ng pagsubok. Sa talatang 13, binigyang-diin ang paraan sa pagiging matatag ng sinumang tumatayo sa presensiya ng Diyos. (1) Lahat ng tao ay dumaranas ng pagsubok. (2) Tapat ang Diyos na nagbibigay ng pagsubok. At (3) bibigyan Niya tayo ng lakas sa pagharap sa mga pagsubok. Sa gayon, ang haligi ng tahanan ay tunay na magiging matatag.

HAPPY FATHER'S DAY to all!

Pastor Jhun Lopez


Friday, June 13, 2014

MAHAL KA NG DIYOS

Introduction:
1. Greetings!
2. Sa Pagmamahal ng Diyos
  • Diyos ay Pag-ibig
Ang pag-ibig ay nagmula sa Diyos, inihalimbawa at ipinaliwanag ng Diyos dahil sa katotohanang ang Diyos ay pag-ibig.
  • Dakilang Pagmamahal
Ating nadarama ang dakilang pagmamahal ng Diyos na siyang tinutularan natin. Dakilang pagmamahal na nagsakripisyo para sa atin, nagdulot ng pagpapatawad sa kasalanan, at dahilan kung bakit natin nararanasan ang kaligtasang mula sa Diyos. Ganoon kadakila ang pag-big ng Diyos.
  • Mahal ka ng Diyos
Gaano katibay ang iyong paniniwala na mahal ka nga ng Diyos???
3. Isang tunay na pangyayari
4. Theme/Text/Title/Proposition/Pray
5. IS: “Maaari bang mapatunayan ng isang mananampalataya na siya ay may matibay na paniniwala at nabubuhay sa katotohanang siya ay mahal ng Diyos?"
6. Transition: “Sa pamamagitan ng buhay ni Jonah, ating tingnan ang pagiging makasarili niya at kung anu-ano ang maaaring idulot nito sa ating pagtingin sa pagmamahal ng Diyos sa ating buhay.”

MAHAL KA NG DIYOS
(Pamumuhay sa tamang pagtingin sa pagmamahal ng Diyos sa atin)

Mahal ka ng Diyos...
I. HUWAG DAYAIN ANG IYONG SARILI
"Walang karapat-dapat sa biyaya at habag ng Diyos maliban sa akin”

A. Pagpapaliwanag
  • Hindi lahat ay aamin sa nabanggit na pangungusap. Pero karamihan, minsan sa kanyang buhay, ay nabubuhay sa paniniwala rito.
  • Nababalewala ang bunga ng kasalanan sa tao pero ang ibang bagay (problema, pagsubok, atbp.)  ay masyadong pinalalaki ng mga nakakaranas nito.
  • Jonah 4—nagpasimula sa hindi nagustuhang pagbabago ng takbo ng pangyayari ni Jonah para sa mga taga-Nineveh.
  • Para sa kanya, ang pagkahabag ng Diyos para sa mga taga-Nineveh ay isang malaking kalamidad (great disaster).
  • Tumalikod sa Diyos ang mga taga-Nineveh at nagpakasama. Sa halip na tupukin, nahabag pa ang Diyos sa 120,000 na nakatira doon.
  • Ang kasamaan ng puso ni Jonah ang dahilan ng pagkalungkot nito. Sa unang kabanata ng aklat, tinanggihan niya ang Diyos sa utos na mangaral sa mga taga-Nineveh. Hindi siya naniniwala na ang mga tao roon ay magbabago pa.
  • Sa halip, ang paniniwala niya ay hindi karapat-dapat ang mga taga-Nineveh sa biyaya at habag ng Diyos. Mas gugustuhin niyang magdusa ang 120,000 sa poot ng Diyos. Pansinin ang sinabi niya, "Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagpala. Alam ko ring matiyaga kayo, punung-puno ng pag-ibig at madaling mapawi ang galit. Mabuti pang mamatay na ako, Yahweh. Ibig ko pa ang mamatay kaysa mabuhay."  (4:2-3)
  • Walang puwang ang biyaya at habag sa puso ni Jonah para sa mga kaaway sa kabila na ang mga katangiang ito ay nasa puso mismo ng Diyos na puno ng biyaya at habag.
  • Karapat-dapat lamang ang mga taga-Nineveh sa poot ng Diyos. Napakasama nila. “Suko ang langit sa kanilang kasamaan.” (1:2)
  • Hindi ba’t ang mga taga-Nineveh at si Jonah ay magkapareho lang? “Sa halip na sumunod, ipinasiya niyang magtago.”  Wala siyang pakialam kung ang mga ito ay maparusahan at mangamatay. Di tulad ni Abraham na nakipag-bargain sa Diyos para lamang sa kaligtasan ng Sodoma at Gomorra (Gen. 18:20-33).
  • Ang Diyos ay naging mapagpala at mahabagin kay Jonah. Hindi siya napahamak matapos na ihagis sa dagat ng mga tripulante. Binigyan siya ng ikalawang pagkakataon ng Diyos.
  • Totoong hindi karapat-dapat ang mga taga-Nineveh sa biyaya at habag ng Diyos. At totoo rin na hindi karapat-dapat si Jonas sa biyaya  at habag ng Diyos. Subalit dahil sa pagmamahal ng Diyos sa mga taga-Nineveh at kay Jonas, magkapareho nilang tinanggap ang biyaya at habag ng Diyos.
B. Illustration: Prison Ministry
C. Application:

Mahal ka ng Diyos—Huwag dayain ang iyong sarili!
  • Tapusin na ang maling akalang ikaw lang ang karapat-dapat sa biyaya’t habag ng Diyos at ang iba ay hindi.
  • Iwasan ang spiritual superiority bilang mga anak ng Diyos.
  • Purihin ang Diyos sa katotohanang ang Kanyang biyaya ay para sa lahat at hindi Niya ipinagkakaloob para sa iilan lamang at dahil lamang sa iyong ginawa o pinagpagalan.
  • Tandaan: Sa pamamagitan ng ating pananampalataya tayo ay naligtas subalit ang kaligtasan ay nagaganap lamang dahil sa pagkilos ng biyaya ng Diyos. Walang karapat-dapat sa Diyos, ngunit likas sa Diyos ang pagpalain ang Kanyang minamahal.
  • Babala: ibang espiritu ang natutuwa sa pagdurusa ng ibang tao   (Luke 9:51-56).

Mahal ka ng Diyos...
II. HUWAG MANANGAN SA IYONG MAKASARILING  PANGANGATUWIRAN
"Walang sinumang may karapatang magalit maliban sa akin."

A. Pagpapaliwanag
  • Nagalit si Jonah dahil hindi ginawa ng Diyos ang dapat Niyang gawin, iyon ay ayon sa pananaw ni Jonah. Ang sentro ng kanyang galit ay nasa Diyos. Kaya nga kung papipiliin siya, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa makitang nagsisisi ang mga taga-Nineveh.
  • Nakatingin si Jonah sa sarili niyang katuwiran. Basta ang alam niya, masama ang mga taga-Nineveh at siya ay matuwid na propeta ng Diyos.
  • Tama lang ba na magalit si Jonah? Ang sabi ng Diyos, “Anong ikagagalit mo?” Hindi ito pagtatanong ng paglalambing o pag-alo. Ito ay pagpapahayag ng Diyos na walang karapatang magalit si Jonah sa Diyos.
  • Tandaan: ang pagliligtas ng Diyos ay para sa lahat at hindi lamang para sa mga matuwid. Ang pagmamahal ng Diyos ay nasa mga taga-Nineveh rin naman.
B. Illustration: Ang panalangin ng magnanakaw at Pariseo.
C. Application:

Mahal ka ng Diyos—Huwag panghawakan ang sariling katuwiran
  • Hindi masama ang galit kung ito ay bunga ng pagkagalit sa masama. Hindi masama ang galit kung ito ay ginagawa sa diwa ng pagmamalasakit.
  • Subalit mas mainam sabihing karamihan sa ating mga galit ay talaga namang hindi nakalulugod sa Diyos dahil ito ay kasalanan at kadalasang wala sa katuwiran.
  • Tanggaping mali ang ipinakikitang galit. Iwasan ang pagtuturo sa iba upang mapangatwiranan lamang ang galit.
  • Nalalaman ni Jonah na ang galit na ipinakita ng Diyos ay bunga ng matuwid na pagsansala sa naganap para sa mga taga-Nineveh. Ang katuwiran ni Jonah ay ipinahiya ng habag ng Diyos para sa mga taga-Nineveh. Basahin: James 1:19-20.
  • Alisin natin ang kaisipang “karapatan ko ang magalit” at “nasa Diyos ang paghihiganti.”
  • Illustration:  May isang lalaking galit na galit sa asawa at sa kanyang biyenang babae. Sa paglalakad, may dumaang tatlong karo ng patay. Ang nauunang dalawa ay may lamang kabaong. Sa ikatlo ay isang buhay na aso. Sa likod ng mga karo ay may naglalakad na humigit-kumulang 50 lalaki.
Sa pagtataka, pumunta ang lalaking ito sa unang karo at kinatok ang driver. Bumukas       ang bintana, “Bakit po?” ang tanong ng driver. “Sino po ang patay?” pabalik na tanong       ng lalaki.
“Itong unang patay ay asawa nung lalaking nakaputi sa likuran at biyenan naman niya          iyong nasa pangalawa. At ‘yong aso sa ikatlo, iyon ang kumagat sa mag-ina na                  ikinamatay nila.” tugon ng driver.
Sa tindi ng galit sa asawa at biyenan, sinabi ng lalaki, “Maaari ko bang mahiram ang        aso pagkatapos ng libing?”
“Pwede po!” sagot ng driver. “Pwede na po kayong pumila doon sa dulo ng mga lalaking    gusto ring hiramin ang aso!”
· Babala: Mag-ingat na mabuti! Maaaring iniisip mong makatuwiran ang iyong galit, subalit malamang na wala kang katuwiran. Ang galit ng tao ay madalang makatugon sa katuwiran ng Diyos.

Mahal ka ng Diyos...
III. HUWAG MALUNOD SA SARILING KARANASAN
"Wala nang pagdurusa ang hihigit pa sa nararanasan ko.”

A. Pagpapaliwanag
  • Tinuruan ng Diyos si Jonah sa pamamagitan ng simpleng pagdurusa upang maunawaan niya ang pagmamahal ng Diyos.
  • Habang hinihintay ni Jonah ang magaganap sa lunsod, pinatubo ng Diyos ang isang halaman at nagbigay lilim kay Jonah. Nawala pansamantala ang galit niya at napalitan ng kagalakan.
  • Subalit kinabukasan, kinain ng uod ang halaman at namatay. Sumikat ng matindi ang araw, nainitan si Jonah, nahilo at sinabing, “Mabuti pang mamatay na lang ako.”
  • Ang galit ni Jonah ay hindi na nakatuon sa isyu ng pagmamahal ng Diyos para sa mga taga-Nineveh. Kaya siya nagagalit ngayon at mas gugustuhin pang mamatay dahil nawala ang isang bagay na nagbigay ng kaaliwan sa kanya—ang halaman.
  • Ang pangaral ng Diyos: 4:9-10
  • Nag-aalaala siya sa pagkamatay ng halaman subalit hindi man lang malungkot sa parusang nais niya para sa 120,000.
B. Illustration:
C. Application:
Mahal ka ng Diyos—Huwag malunod sa sariling karanasan.
  • Nagugulat pa ba kayo sa mga paghihirap na dumarating sa iyong buhay? O ito na ba ang nagiging routine ng iyong pang-araw-araw na buhay? Nalulunod ka na ba sa pag-iisip ng iyong mga karanasan sa buhay lalo na iyong mga hindi kagandahang karanasan?
  • Upang maisip ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili nating mga pangangailangan at karanasan, kailangang ang buhay natin ay nakatuon sa puso ng Diyos… isang kalagayan ng ating mga puso… mapagpala at mahabagin, banayad kung magalit, at puspos ng pagmamahal.
  • Babala: Wala tayong maaaring gawin upang tayo ay maging makasarili. Sapagkat likas sa atin ang pagiging makasarili! Kaya nga, ako’y naniniwalang upang madama natin ang pagmamahal ng Diyos, ang pagiging makasarili ay nararapat na iwaksi.
  • Tandaan: Ang pagmamahal ay hindi naghahanap ng kapalit para sa kapakanan ng sarili. Ganyan ang pagmamahal ng Diyos sa akin at sa iyo.

Conclusion:
Pag-aralan mo ang pagtanggi sa makasariling pagtingin sa buhay, at subukang tingnan ang mga pangyayari’t mga bagay-bagay sa isang maka-Diyos na pananaw kung nais mong maipakita ang pagmamahal ng Diyos sa sanlibutan.
Kahit gaano man kahirap o kasalimuot ang kasalukuyan mong buhay, makaaasa kang ang pagmamahal ng Diyos sa iyo ay nananatili. Dahil dito, tiyak tayong kailanman ay hindi tayo pababayaan ng Diyos.
Kapag ang sitwasyon ay tila hindi maganda, alalahaning ang lahat ng nagaganap ay nasa ilalim ng mga kamay ng Diyos.
Hindi man naganap ang iyong pansariling plano, tanggaping higit ang plano ng Diyos para sa iyong buhay.
May magandang plano ang Diyos sa iyo dahil mahal ka ng Diyos.
Mahal ka ng Diyos
Huwag kang padaya sa iyong sarili
Tanggaping kailangan mo ang biyaya’t habag ng Diyos.

Mahal ka ng Diyos
Huwag manangan sa iyong makasariling pangangatuwiran
Aminin ang mga pagkakamali’t kasalanan sa Diyos.

Mahal ka ng Diyos
Huwag malunod sa sariling karanasan
Walang problema o pagsubok na hindi natin makakaya.

MAHAL KA NG DIYOS!

Wednesday, June 11, 2014

TUNAY NA PAGLILINGKOD CRISTIANO

PANIMULA:
  • Paksa: PAGLILINGKOD
  • Pamagat: ANG TUNAY NA PAGLILINGKOD CRISTIANO
  • Talata: Colosas 3:23
  • Panukala: Ang paglilingkod Cristiano ay may pamantayang dapat na gawin upang masabing ito nga ay tunay (genuine).\
  • Tanong: Bakit may mga kaanib na nawawala o tumitigil sa paglilingkod? Ano nga ba ang mga pamantayan sa paglilingkod Cristiano?
  • Sama-sama nating pag-aralan ang tunay na paglilingkod Cristiano.

Ang Paglilingkod Cristiano ay...
I. PAGLILINGKOD SA PANGINOONG JESUS

Yamang inyong nalalaman na sa Panginoon
ay tatanggapin ninyo ang ganting mana;
sapagka't naglilingkod kayo sa Panginoong Jesucristo.
Colosas 3:24

A. PAGPAPALIWANAG
  • Cristianong Alipin—ang batayang talata natin ay tumutukoy sa paglilingkod ng isang Cristianong alipin. Sa Biblia, ang isang alipin ay susunod sa kanyang panginoon, sa ayaw man o sa gusto niya. Ang Cristianong alipin, ayon sa tagubilin ni Pablo, ay nararapat sumunod sa kanyang panginoon dahil sa katapatan ng kanyang puso at takot sa Panginoong Jesus.
  • Mahirap ang buhay ng isang alipin sa panahon ni Pablo. Sila ay pag-aari ng kanilang panginoon at walang karapatang tumanggi sa anumang ipag-utos sa kanila. Pinalalakas ni Pablo ang mga aliping naging Cristiano—gumawa na may katapatan at may takot sa Panginoong Jesus.
  • Ang paglilingkod Cristiano ay nakasentro sa Panginoong Jesus saang mang larangan tayo gumagawa!
  • Ang tapat na puso at takot sa Panginon ang nagtutulak sa isang mananampalataya upang maglingkod.
  • Man pleasers”—Hindi paglilingkod Cristiano ang paglilingkod na ang layunin ay makita lamang ng tao at magbigay ng kaluguran sa kanila.
  • Hindi maiiwasang makita ng tao ang kanilang ginagawa. Dalawang reaksyon ang maaaring matanggap mula sa tao; ikatuwa nila ang nakikitang paggawa o magsalita laban sa nakitang paggawa. Aliman sa dalawa, ang paglilingkod bunga ng takot sa Panginoon ay hindi apektado. Parangal—purihin ang Diyos! Pag-alipusta—purihin pa rin ang Diyos!
  • Cristiano sa ating panahon—bawat isa sa atin ay may kani-kaniyang panginoon sa laman, isang taong nakatataas sa atin. May tao o panuntunan tayong sinusunod sa trabaho, sa paaralan, sa pamahalaan, sa tahanan, at maging sa loob ng kapilya. Hindi tayo alipin ngunit inaasahan sa mga lugar na ito ang ating pagsunod sa nakatataas o batas na umiiral dito.

B. PAGLALARAWAN (iangkop sa panahon)
C. PAGSASABUHAY (iangkop sa tagapakinig)

Ang Paglilingkod Cristiano ay...
II. PAGLILINGKOD NA NAGPAPATULOY

“...hindi ang paglilingkod sa paningin,
na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao,
kundi sa katapatan ng puso, na mangatakot sa Panginoon;
Colosas 3:22

A. PAGPAPALIWANAG
  • Nagpapatuloy—nanatili, hindi tumitigil anumang panahon, hindi napapagod kahit anong dami ng gawain. Hindi sumusuko kahit anong bigat ng dalahin.
  • Tapat na puso—”singleness of heart”, ang paglilingkod ay nagpapatuloy dahil hindi ito naaagaw ng ibang bagay. Ang pusong tapat sa Panginoon ay nanatili sa Panginoon anuman ang nararanasang hirap sa buhay.
  • Nalalaman ni Pablo na maaaring mandaya o gumawa ng mali ang isang alipin kaya binigyang diin niya ang balanse ng pagsunod sa tao at pagtatapat sa Panginoong Jesus.
  • Hindi titigil, hindi aayaw, hindi susuko ang Cristianong may iisang puso sa Panginoon.
B. PAGLALARAWAN (iangkop sa panahon)
· Till death do us part
C. PAGSASABUHAY (iangkop sa tagapakinig)

Ang Paglilingkod Cristiano ay...
III. PAGLILINGKOD NA MAY KAGALAKAN

Anomang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso,
ng gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;
Colosas 3:23

A. PAGPAPALIWANAG
  • Gawin ng buong puso—”heartily”, “from the soul” isang paggawa na walang pagrereklamo, walang pagsisisi, walang kalungkutan. Paglilingkod na may kagalakan!
  • Gaya ng sa Panginoon—bawat gawain ay nakatalaga sa Panginoon. Hindi man nakikita o nararamdaman, ginagawa nila ang isang bagay alang-alang sa Panginoong Jesus na kanilang kinilala sa buhay bilang Panginoon at Tagapagligtas.
  • Hindi sa mga tao—nakakapagod maglingkod sa tao, minsan nakapanghihina, at may nakakapanlumo. Aayaw ka. Titigil ka. O kung ikaw man ay magpatuloy, gagawa ka na lamang dahil sa maling dahilan ng paglilingkod. Walang patid na kagalakan kung itutuon ang puso at isip sa Panginoong Jesus.
  • Filipos 4:4—pauilt-ulit na sinabi ni Pablo ang salitang “magalak kayo.” Marahil simple sa paningin, subalit dapat nating malaman na sinasabi ni Pablo ang kagalakan habang siya ay nakakulong at malapit na sa kamatayan.
B. PAGLALARAWAN (iangkop sa panahon)
C. PAGSASABUHAY (iangkop sa tagapakinig)

PAGWAWAKAS:
  • Mabanaag nawa sa bawat isa sa atin ang tunay na paglilingkod Cristiano.

1. PAGLILINGKOD SA PANGINOONG JESUS
2. PAGLILINGKOD NA NAGPAPATULOY
3. PAGL;ILINGKOD NA MAY KAGALAKAN
·  Ang hamon:
  1. Sino ba ang iyong pinaglilingkuran? - Simulan mo nang ibigay ang iyong buhay sa Panginoong Jesus.
  2. Pagod ka na ba? Minsan ka na bang naglingkod at nais mo nang magbalik sa Kanya? - Magpatuloy ka lang kapatid. Hindi natin kayang bigyang lugod ang lahat ng tao. Gumawa ka lang na ang Panginoon ang iyong katipanan.
  3. Hindi ka na ba masaya sa ginagawa mong paglilingkod? - pinalalakas ka ngayon sa mensaheng ito. Walang puwang ang lungkot sa paglilingkod kung buong puso at kaluluwa mong gagawin ang lahat ng uri ng paglilingkod.

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...