Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako.
1 Pedro 4:19
Huwag magtaka, tanggaping karaniwan lang ito. May pagdurusang bunga ng masamang nagawa natin na hindi dapat mangyari sa isang Cristiano. Sa halip, maging maliwanag sa bawat mananampalataya na may mga pagdurusa tayong nararanasan na ayon sa kalooban ng Diyos. Na dapat magdala sa atin sa patuloy na pagtitiwala sa Lumikha at sa paggawa ng mabuti. Gayundin, ang pagdurusa natin ay dahilan upang maging matibay ang pananalig natin sa Kanyang mga pangako.
Sa talatang 12, sinasabi ni Apostol Pedro sa mga Cristianong kanyang sinusulatan na "huwag magtaka sa mabibigat na pagsubok." Sa dahilang nalalaman niya, tulad ng sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto, "wala pang pagsubok na di dinanas ng lahat ng tao" (1 Corinto 10:13). Kaya nga, dapat maging pangkaraniwan lang sa mga Cristiano ang anumang pagdurusang kanyang nararanasan lalo na kung maliwanag sa ating ito ay ayon sa kalooban ng Diyos.
Huwag malungkot, magalak sa pakikibahagi sa hirap ni Cristo. Sa talatang 13, madiing sinabi ni Pedro, "magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo." Tamang malungkot ang dumanas ng pagdurusa. Masakit at tumitimo sa puso. Subalit dapat nating malamang anumang pagdurusa natin na ayon sa kalooban ng Diyos ay pagpapatunay na tayo ay kabahagi sa paghihirap ng Panginoong Jesus sa krus. Wala nang hihigit pa sa hirap at sakit na dinanas Niya daan patungo sa kalbaryo. May pagdurusa man tayo, magalak tayo dahil nalalaman mong kabahagi ka sa ginawang pagdurusa ng Panginoon.
Marahil ay napakabigat na ng iyong pinapasan. Nanganganib na ang iyong buhay. Tila wala nang patutunguhan ang buhay. Ngunit kung alam mong kaya ka nasa sitwasyong iyan dahil sa kalooban ng Diyos, palitan ng Diyos ang iyong kalungkutan ng lubos na kagalakang mula sa ating Diyos. Sabi nga ni Pablo sa mga taga-Filipos, "Magalak kayo! Inuulit ko, magalak kayo!" (Filipos 4:4)
PastorJLo